Parusa sa Parausan

Parusa sa Parausan

Prologo

Sa gitna ng madilim na gabi, tahimik na naglakbay ang isang truck sa makipot at madulas na kalsada. Ang patuloy na pag-ulan ay nagdudulot ng dulas at putik sa paligid.

“Malapit na ako,” usal ng driver sa kanyang sarili. Hindi na siya makapaghintay na makauwi at mahagkan ang kanyang mahal, subalit andoon pa rin ang kanyang pag-iingat sa pagmamaneho.

Biglang sumulpot mula sa dilim ang isang mabilis na sasakyan na may maliwanag at malalakas na ilaw sa mga headlight nito. Nasilaw ang driver at sinubukang maging alisto.

Sa isang iglap, bumusina nang malakas ang sasakyan—tila ba nagmamadali ito at gustong mag-counter flow.

BEEP! BEEP! BEEP!

Bigla na lamang nagulantang ang likurang bahagi ng truck nang ito’y nabangga. Nawalan ng kontrol ang sasakyan at tuluyang bumangga sa isang puno.

“Tulong! Tulungan n’yo ako! Ang binti ko!” sigaw ng driver habang pilit na tinatanggal ang kanyang binti na naipit sa harapan ng truck.

“Panginoon... ayaw ko pa mamatay...” bulong niya habang ang harapan ng sasakyan ay umuusok, nagpapakita ng banta ng pagsabog anumang sandali.

Sa loob ng truck, ramdam niya ang bawat tibok ng puso, bawat galos at sugat na dulot ng aksidente. Ang paligid ay puno ng usok at amoy ng gasolina. Ang kanyang mga kamay ay nanginginig habang pilit na hinahanap ang cellphone sa kanyang bulsa.

Isang sasakyan ang huminto sa gilid ng kalsada at agad na tumulong sa kanya.

“Hindi na ho magagawan ng paraan ang... binti niyo,” kita ang labis na pag-aalala sa mukha ng rescuer.

“Kailangan na ho naming gawin ito,” dagdag pa nito, sabay kuha ng gamit na pantanggal sa pagkakaipit ng binti.

Napahiyaw ang driver sa matinding sakit at stress.

Ang kanyang mukha ay basang-basa ng pawis at luha habang pilit niyang iniinda ang matinding kirot.

Ang mga sumunod na sandali ay tila bangungot — ang kanyang mga hiyaw ay umalingawngaw sa malamig at maulang gabi.

"Magbabayad ka! Ipapakulong kita! Humanda ka!!"

Sigaw niya sa direksyon ng sasakyang bumangga, na ngayon ay wala na sa paningin.

Ito ba ay parusa sa kanyang mga kasalanan sa nakaraan?

O ito talaga ang tinadhana para sa kanya?

Parusa sa pagiging parausan...

Ang mga salitang iyon ay paulit-ulit na bumabalik sa kanyang isipan, tila isang sumpa na hindi niya matakasan.

Kabanata 1

"Napag-usapan na natin ito, hindi ba, Belinda?" tanong ni Andres, nagmamakaawang nakatingin sa kanyang asawa. Lagi na lamang silang nagtatalo mula nang sapitin niya ang kalunos-lunos na aksidente.

"Tulong!! Tulungan niyo ako!! Ang binti ko!" — muling sumagi sa alaala ni Belinda ang mga sigaw ni Andres noon, habang pilit itong inililigtas mula sa bumanggang truck. Napaigtad siya sa biglaang pagbabalik ng alaala, ngunit nagpatuloy sa pagsasaayos ng kanyang gamit.

"Mamatay tayo sa gutom ng anak mo kung hindi ako kikilos, Andres," mariing sagot ni Belinda, hindi tumitingin sa asawa.

"Panginoon... ayaw ko pa mamatay..." bulong noon ni Andres, na para bang nananatili pa rin sa silid tuwing sila’y nag-aaway.

"Tangina! Ako ang padre de pamilya rito, kaya ako dapat ang masusunod!" sigaw ni Andres. Salubong ang makakapal niyang kilay, naghahalo ang pait at sakit sa kanyang dibdib. Tila ba inasinan ang dati nang bukas na sugat.

"Ikaw nga ang padre de pamilya... pero hindi ka naman makapagbigay sa pangangailangan namin ng anak mo," tugon ni Belinda, na ngayon ay halatang pagod na. Ang kanyang mga kilay ay nagpapakita ng inis at labis na stress, at ang dati niyang maayos at mapusturyosang mukha ay napalitan na ng pagkalito at pagkabalisa.

Pareho silang 27 taong gulang, ngunit mas matanda nang tingnan si Andres — dala ng kanyang trabaho at ngayon, ng kanyang kalagayan.

Napapansin ni Belinda ang paminsan-minsang pagkislot ng ilong ni Andres—isang bahagi ng mukha nitong dati’y laging tahimik, nakaangat, at tila may dignidad. Ngunit ngayon, senyales na iyon ng matinding pagpipigil ng emosyon. Parang sasabog na ang lahat. Sa paligid nila, damang-dama ang tensyon; kahit ang hangin ay tila ba napigilan ang paggalaw, nahihiya sa tindi ng kanilang bangayan.

"Gagawan ko nga ng paraan!" sigaw ni Andres, pilit pinanghahawakan ang natitirang dangal.

“Hindi na ho magagawan ng paraan ang binti niyo.”

Paulit-ulit na umuugong sa kanyang isipan ang sinabi noon ng rescuer. Para itong martilyong bumabagsak sa kanyang pagkalalaki, sa kanyang papel bilang ama, bilang asawa.

Padabog na isinara ni Belinda ang kanyang maleta at tumayo mula sa pagkakaluhod sa sahig. Namewang siya, parang isang sundalong pagod na, pero handang ipaglaban ang natitirang lakas para sa anak.

“Puro ka ganyan. Puro ka salita! Kulang ka naman sa gawa!” sigaw niya, sabay duro sa asawa.

“Malapit na ang unang kaarawan ng anak mo, tapos wala ka pa ring pera! Ang upa rito sa bahay, ilang buwan nang hindi nababayaran. Malapit nang maputol ang kuryente at tubig. Kung hindi ako kikilos, paano tayo mabubuhay, Andres?”

Tila isang bagyong sunod-sunod ang kanyang mga salita, bawat isa ay dagok sa konsensya ni Andres.

“Baon na baon na tayo sa utang! Lahat ng kaibigan ko, nahiraman na natin ng pera. Pati si Kenneth—wala na ring maibigay.”

Si Kenneth, ang 24-anyos nilang kaibigan, ninong ni Christian. Isa siyang dating sandalan ng mag-asawa, laging may tulong kapag gipit. Ngunit ngayon, kahit siya'y nasaid na. Nasagad, napagod, at wala nang madukot pa—kahit sariling baon ay halos wala na.

Tahimik si Andres. Hindi dahil wala siyang masabi, kundi dahil lahat ng sinabi ni Belinda ay totoo. Masakit, pero totoo.

Pumasok si Andres sa kanilang maliit na loft apartment, at agad namang sumunod si Kenneth.

“Andres!” bati ni Kenneth, medyo nag-aalala na sa init ng paligid.

Biglang humarap si Andres kay Kenneth, puno ng galit ang mukha.

“Bakit hindi mo sa akin sinabi? Huh?! Bakit hindi mo sinabi na kumpleto na ang passport at ticket ng asawa ko?” galit niyang tanong.

Alam ni Kenneth ang mga pangarap ni Belinda na makapunta sa ibang bansa. Alam niya rin ang pagtutol ni Andres noon pa man sa pag-alis ng asawa. Ngunit ngayon, tila dumating na ang pagkakataon para sa pamilya.

Hindi nakaimik si Kenneth. Ang kanyang mala-anghel na mukha ay nabalutan ng takot. Napipi siya, nalilito kung paano sasagutin ang galit ni Andres.

Kilala niya si Andres — kapag galit, galit ito sa buong mundo at hindi madaling makontrol ang sarili. Bukod dito, sa laki ng katawan at lapad ng mga braso ni Andres kumpara sa payat niyang pangangatawan, lalo na’t may isang binti na lang, alam ni Kenneth na wala siyang panalo rito.

“Alam mo naman na ayaw ko siyang umalis,” wika ni Andres, nilalaban ang sarili. “Ako ang padre de pamilya rito, kaya ako dapat ang mag-provide sa amin.”

“Alam mo, Andres, mas mapapadali sana ang buhay niyo kung hahayaan mong magtulungan kayong mag-asawa.”

Buntong-hininga ni Kenneth, ang mas maliit na lalaki, habang nakatitig sa kaibigan.

“Andres, hindi mababago ang katotohanang kulang kayo sa pera, at kailangan ng pamilya mo ng solusyon. Malinaw na hindi mo kayang ibigay iyon ngayon. Kailangan mong maging practical!” dagdag pa niya.

Parang nasampal si Andres ng katotohanan. Nasaktan siya sa mga sinabi ng kaibigan.

“Tama ka, Kenneth. Kulang kami sa pera. Pera na dapat ako ang nagbibigay sa aking pamilya.”

Tahimik na wika ni Andres, pilit inaalam ang bigat ng kanyang responsibilidad.

Tinuldukan ni Andres ang kanilang usapan at bumalik sa kwarto, habang umiiyak si Christian, ang unico hijo ng pamilya, dahil naabala sa maingay nilang pagtatalo.

Napalunok si Kenneth, hindi niya intensyon na saktan ang kaibigan. Gusto lang niyang sabihin ang totoo at gisingin ito mula sa pagkakatulog sa realidad.

Nag-iba ang atmospera sa loob ng loft apartment — dating payapa at maaliwalas, ngayo’y naging maalab at puno ng tensyon. Sa kabila ng hidwaan, hindi napigilan ni Kenneth ang kanyang pagmamahal at pag-aalala para kay Andres.

Napasapo na lang ni Kenneth ang kanyang ulo. Sumasakit pa nga ito nang pumunta siya rito, marahil dahil sa stress at sakit, at akala niya ay gagaan ang kanyang pakiramdam kapag nabisita niya ang pamilya, lalo na sa pakikipag-chikahan kay Belinda na lagi niyang ginagawa.

Naglibot ang tingin ni Kenneth sa paligid. Hindi niya mapigilan ang sarili. Iniimis niya na lang ang maruming kapaligiran, pati na rin ang sarili niyang pagiging bahagi ng problema ng mag-asawa.

Ang kusina, na puno ng alikabok, ay malungkot na tila isang salamin ng kanilang kalagayan, na nagbigay ng masalimuot na tingin sa sitwasyon ng mag-anak.

Dala ng pangakong inihabilin sa kanya ng kaibigan ni Belinda, agad siyang lumabas upang mamili ng pagkain.

Narinig ni Andres ang malakas na pagbukas at pagsarado ng pintuan sa ibaba ng loft room, na nagdulot sa kanya ng pagkadismaya.

Iniisip niyang baka iniwan na rin siya ni Kenneth — kagaya dati... Lahat na lang ng tao ay iniiwan siya. Wala yata talagang taong nagtatagal sa kanya.Bumigat ang pakiramdam ni Andres. Bakit ganun ang tao, umaalis na lang kapag wala na silang mahihita?

Sa pagpasok ni Andres sa kwarto kanina, inaasahan niya ang masakit na paghahabol ni Kenneth sa kanya, ngunit wala itong nangyari. Hindi sumunod sa kanya ang kanyang kumpareng may maamong mukha na para bang pusa. Aniya sa sarili, marahil ay iniisip ng kaibigan na mas mabuti nang humiwalay muna sa problema ng pamilya.Nabalot ng takot at pangungulila si Andres.

“Masyado yata akong umaasa. Masyado naman yata akong nagiging mahina,” bulong niya sa sarili habang nagdadalawang-isip kung tama ba ang pag-asang iyon.

Bumaba si Andres para kumuha ng gatas para kay Christian nang umungot ito, subalit napansin niyang kaunti na lamang ang laman ng lata.

Napakapit siya sa lamesa, pinagmamasdan ang repleksyon niya sa kutsara. Ang repleksyon ay nagbalik sa kanya ng lahat ng kabiguan at mga pangarap na hindi natupad.

Walang anu-ano, binato niya nang malakas ang kutsara sa pader. Tumilapon ito at bumagsak sa sahig nang may kalabog na matinis.

“Putang ina naman!” sigaw niya habang nagwawala sa kusina.

Ramdam ni Andres ang tensyon sa kanyang mga braso. Hindi niya mapigilan ang poot na sumasaklob sa kanya, kaya’t buong lakas niyang hinawi ang upuan. Tumalsik ito at tumama sa pader nang may malakas na kalabog, at tuluyang natilapon sa kabilang bahagi ng kusina.

Ang tunog ng pagbagsak ay parang isang malakas na putok na umalingawngaw sa buong bahay—tanda ng kanyang matinding galit at pagkabigo.Ang ingay ng pagbagsak ng upuan ay parang mga sigaw ng lahat ng kanyang pagkatalo. Mapapasalampak siya sa sahig, halos mabaliw na sa galit at lungkot.

Sinampal-sampal niya ang sarili, pilit na inaalis ang sakit at pagkabigo na bumabalot sa kanyang dibdib.

“Bakit ganito? Bakit ganito ang nangyayari sa ’kin?”

Puno ng poot at pagkabalisa ang bawat galaw ni Andres. Tumutulo ang luha niya, ramdam ang bigat ng lahat ng problema.

Hindi niya makalimutan ang aksidente na nag-iwan sa kanya ng malaking dagok, ang stress na dulot ng patuloy na pag-aaway nila ng kanyang asawa, ang mga utang na nagpalala pa sa kanilang sitwasyon, at ang kawalan niya ng trabaho.

“Wala akong silbi! Wala akong magawa!”

Sigaw niya, hinampas ang sahig ng kanyang kamao nang paulit-ulit.

“Ni pang-gatas ng anak ko, wala ako!”

Humihikbi siya, pilit na kinukumpiska ang sarili sa dilim ng kanyang kalungkutan.Tinatakpan ni Andres ang kanyang mukha, ngunit ang sakit at pagod ay bumabalot sa kanyang pagkatao. Iniwan pa siya ni Kenneth—ang tanging taong inaasahan niyang magiging sandalan niya.

Si Andres, basag na basag, ay hindi alam kung saan huhugot ng lakas. Nanginginig ang kanyang mga kamay, nag-uumapaw ang kanyang puso sa poot at kalungkutan. Ang bawat segundo’y tila isang impyerno, at ang tanging naririnig niya ay ang mga sigaw ng kanyang sariling pagkatalo.

Habang nakasalampak siya sa sahig, bigla niyang naramdaman ang pagkabigat ng kanyang mga problema. Isang saglit na tila napakabigat ng bawat hininga, napakabigat ng bawat paggalaw. Naramdaman niya ang malamig na sahig sa ilalim ng kanyang katawan, ngunit hindi iyon sapat para palamigin ang apoy ng kanyang galit at sakit.

Walang ibang tao sa paligid para magbigay sa kanya ng aliw o suporta. Walang Kenneth na lalapit sa kanya para sabihing magiging maayos ang lahat. Ang lahat ng ito’y kanya-kanyang laban sa sarili, laban sa mundo.

Sa gitna ng kanyang pagwawala, natagpuan ni Andres ang sarili sa isang estado ng ganap na pagkabigo, nawawalan ng pag-asa at direksyon.

"Bilang isang lalaki, hindi dapat ako nagpapakita ng emosyon. Hindi dapat ako nagpapakita ng kahinaan," ang paulit-ulit na pagsasabi ni Andres sa kanyang sarili. Isang mentalidad na dala niya mula sa mga nakaraang pangyayari na nagbago sa buhay nila ni Kenneth — tila kapareho ng kasalukuyang sitwasyon nila ngayon.

Magkababata sina Andres at Kenneth. Halos isang paaralan lang ang pinag-aralan nila, ngunit nagkahiwalay sila nang lisanin ni Kenneth ang kanilang lugar sa Port of Del Lorenz, Poblacion dahil sa mga problema sa pamilya. Wala siyang nagawa noon. Umalis siya, at si Andres naman ay naging kargador lamang sa palengke dahil nawalan siya ng inspirasyon na mag-aral.

Kahit may batak ang katawan ni Andres, hindi ganoon ang kanyang mentalidad. Unti-unti nang nababalutan ng taba ang maganda at makisig niyang mga kalamnan, na ngayon ay may hugis na dad-bod, bunga ng aksidenteng nangyari dalawang linggo na ang nakararaan.

Napasinghay si Andres at naisip na hahanap na lamang siya ng mauutangan. Isa o dalawang timpla na lang ang natitira sa gatas ng anak niya, at tatlo na lamang ang natitirang diaper nito. Kahit ilako niya ang katawan niya, gagawin niya ang lahat para lamang mabuhay ang kanyang anak.

Umakyat si Andres sa itaas ng bahay nang may mabigat na loob. Bawat sapantay ng kanyang paa sa hagdang-pag-akyat ay tila pinapawi ang natitirang lakas niya. Ang kanyang mga kamay ay nakayakap sa hagdan, pinipigilan ang pag-tibok ng kanyang dibdib na naglalaban ang damdamin. Ang isang binti niyang namamaga at ang pisikal na sakit mula sa aksidente ay nagsisilbing paalala ng kanyang pagkakabigo.

Nang makarating siya sa itaas, binuksan niya ang pintuan ng silid ng kanyang anak na may mahigpit na pagkakakapit, na para bang inaasahan ang isang pagtanggap.

Pagpasok niya sa loob, agad na napadpad ang kanyang mga mata sa munting crib kung saan mahimbing na natutulog si Christian. Sa bawat sandali ng pagmamasid niya sa anak, ang mga pangarap ay unti-unting naglalaho.

Ang kanyang mga mata ay umikot sa paligid, halos hindi makakonsentra sa bigat ng mga pasaning karga sa kanyang puso. Ang mga ugat sa kanyang leeg ay nagiging halata sa ilalim ng stress, mabigat ang paghinga, at ang kanyang pang-amoy ay nagiging mabigat sa damdamin.

Lumapit siya sa anak na may dalang bote, ang kanyang mga kamay ay nanginginig dahil sa labis na pagkapagod at lungkot. Inilapit niya ito sa bibig ni Christian, at habang unti-unting umiinom ang bata ng gatas, ang bawat patak na dumarating sa bibig nito ay tila nagbubukas ng pintuan sa pusong naglalaban-laban ni Andres.

Nakita niya ang maliit na kamay ni Christian. Ang maliliit na binti ng bata ay nagkakabanggaan sa matigas na kutson, mga galaw na tila nagpapahiwatig ng kaligayahan sa kabila ng pighati na bumabalot sa paligid.

"Anong mangyayari sa'yo, anak ko?" bulong niya sa sarili habang bumabalik ang kanyang tingin sa malalim na mata ng kanyang anak. Ang mga piraso ng kanyang pangarap ay tila naglalaho sa bawat pag-uyog ng maliliit na kamay ni Christian, at ang mga alaala ng masayang pamilya ay unti-unting nagiging malabo.

"Magbabayad ka! Ipapakulong kita! Humanda ka!!" — hindi na lamang ito pangako sa driver na nagdulot ng aksidente, kundi pati sa kanyang sarili. Isang pangakong hindi siya magpapatalo, hindi siya susuko.

Itutuloy...